Maaaring makalaya na sa kulungan si dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez na nahatulan sa salang panggagahasa at pagpatay sa dalawang estudyante ng UP Los Baños noong 1993.
Kabilang lamang ang dating Alkalde sa nasa sampung libong preso na maaaring mapaaga ang paglaya dahil sa ipinasang amiyenda sa revised penal code noong 2013.
June 25, 2019 nang desisyunan ng Korte Suprema na dapat makinabang din sa pagpapababa ng sentensya ang mga nagkasala bago naging epektibo ang batas noong October 2013.
“Isa sa mga magbe-benefit doon ay si Mayor Sanchez ng Calauan kasi matagal na rin siyang nakakulong, pati siya mae-entitled siya doon sa computation ng good conduct time allowances kaya nabalita na baka makakalabas na siya,” ani DOJ Sec. Menardo Guevarra.
Sa ilalim ng Republic Act 10-592, dinagdagan ang mga araw na mababawas sa sentensiya ng isang bilanggo na nagpapakita ng mabuting asal habang nakakulong. Dagdag pa dito ang bawas na 15 days kada buwan para sa pag-aaral, pagtuturo at mentoring service ng isang preso.
Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevara, marami ang makikinabang dito.
“Madami makaka labas. Ang tantiya namin within the next 2 months,thousands of persons under detention would be released because they benefit from the new law that was passed, also the ruling of the SC na retroactive ang application ng batas,” dagdag ni ani DOJ Sec. Menardo Guevarra.
Ayon pa sa kalihim, maaaring makinabang rin dito ang mga inmates na tumestigo laban kay Senator Leila de Lima sa mga kaso nitong may kinalaman sa iligal sa droga. Basta’t sila ay kwalipikado at napagsilbihan na ang kanilang sentensiya.
Matatandaang lima sa mga tumestigo laban kay de Lima ang nagsumite ng kanilang aplikasyon para sapardon o executive clemency.
(Nel Maribojoc | UNTV News)