Convicted drug dealer Herbert Colangco, tetestigo laban kay Sen. Leila De Lima – Sec. Aguirre

by Radyo La Verdad | September 16, 2016 (Friday) | 1521

RODERIC_AGUIRRE
Hindi bababa sa sampung high profile inmate ang nakahandang tumestigo laban kay Senador Leila De Lima sa isasagawang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa susunod na linggo tungkol sa paglaganap ng illegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, pumayag ang mga high profile inmate na tumestigo nang walang anomang kapalit.

Isa sa mga ito ang convicted drug dealer na si Herbert Colangco na dati nang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa mga convicted drug lord na nakakapag operate pa rin kahit nakabilanggo na sa maximum security compound ng Bilibid.

Sumikat din si Colangco dahil nakakagawa pa ito ng music video sa loob ng bilangguan.

Noong 2014, isa si Colangco sa labingsyam na high profile inmate na inilipat sa NBI detention cell matapos madiskubre ang magarbong pamumuhay ng mga ito sa Bilibid.

Ayon pa kay Secretary Aguirre, bukod sa mga high profile inmate, isang dating NBI director at ilang NBI agents din ang tetestigo tungkol sa umano’y naging papel ni De Lima sa paglaganap ng droga sa Bilibid noong ito pa ang kalihim ng Department of Justice.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,