Contempt petition ni dating Makati Mayor Junjun Binay laban sa Ombudsman, DILG at PNP, dinismiss ng Court of Appeals

by Radyo La Verdad | March 23, 2016 (Wednesday) | 2637

COURT-OF-APPEALS
Hindi kinatigan ng Court of Appeals ang petisyon ni dating Makati City Mayor Junjun Binay na patawan ng contempt sina Ombudsman Conchita Carpio Morales, dating DILG Secretary Mar Roxas at mga opisyal ng PNP kaugnay ng pagpapatupad sa suspension order sa kanya noong Marso nang nakaraang taon.

Sa inilabas na desisyon ng CA former 6th Division, dinismiss ang petisyon ni Junjun Binay dahil sa kawalan ng merito.

Ayon sa Korte, wala namang ginawa o sinabi ang mga respondent na karapat-dapat parusahan ng indirect contempt.

Nag ugat ang petisyon ni Binay sa umano’y pagsuway nina Roxas, DILG at PNP sa Temporary Restraining Order na inilabas ng CA upang pigilan ang pagpapatupad sa suspension order ng Ombudsman.

Paliwanag ng Korte, ginawa lamang ng mga respondent ang kanilang katungkulan at naipaliwanag naman ng mga ito na naisilbi na ang suspension order bago pa sila nabigyan ng kopya ng TRO.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: