Contact tracing ng mga nakasalamuha ng 3 nag-positibo sa COVID-19 sa bansa, itinigil na ng DOH

by Erika Endraca | February 27, 2020 (Thursday) | 1614

METRO MANILA – 67% lamang  ng mga nakasalamuha ng 3 nagpositibo sa COVID-19 sa bansa ang na-trace ng Department Of Health Epidemiology Bureau.

Ayon kay DOH Sec Francisco Duque III itinigil na nila ang contact tracing dahil tapos na rin ang incubation period ng COVID-19 sa mga nakasalumuha ng mga ito.

“Wala na kasi lampas na lampas na iyong incubation period natin so the more important thing is to shift to of course our preparedness at the level of the facilities.” ani DOH Sec Francisco Duque III.

Samantala, hindi naman isinasantabi ng DOH ang posibilidad na magpositibo pa rin sa COVID-19 ang ilan sa mga pinauwing Pilipino mula sa Diamond Princess cruise ship sa Japan.

Kaya muli umano silang isinailalim sa 2 Linggong quarantine upang masusing mabantayan ang kanilang konsidyon.

Limang screening assessment ang isinagawa sa mga repatriate mula sa Japan bago dinala sa quarantine facility sa Capas, Tarlac

“Itong grupo na ito sumailalim na ito sa 14 day quarantine while onboard the Diamond Princess cruise but this is the reason why they are subjecting them to another round of 14 day period”ani DOH sec Francisco Duque III.

Nilinaw din ng DOH na hindi kasama sa flight ang 10 Filipino crew na nag- positibo sa COVID-19, naka- recover at nakalabas na sa ospital

Sakaling umuwi ang mga ito sa Pilipinas, imo-monitor pa rin sila at hindi dadalhin sa quarantine facility sa NCC.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: