Humarap sa kauna-unahang pagkakataon sa pagdinig ng impeachment committee kahapon si Helen Macasaet, ang kontrobersyal na IT consultant na kinuha umano ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na pinasweldo ng 250 thousand pesos kada buwan.
Isa-isang binusisi ng mga kongresista ang mga pangyayari at proseso kung paanong na-hire ng Chief Justice si Macasaet.
Paliwanag ni Attorney Ocampo ng Office of the Chief Justice, isa siya sa mga nag-draft ng memorandum upang mag-hire ng IT consultant ang Supreme Court.
Kasama sa mga kinuwestyon ng mga kongresista, kung paanong pinili si Macasaet at ano ang pinagbatayan ng 250 thousand pesos kada buwan na ipinasweldo dito.
Paliwanag ni Attorney Ocampo, napili ni chief justice si Macasaet dahil na rin sa husay at karanasan nito sa larangan ng information technology.
Aniya, si Macasaet ang IT expert na lumutas noon sa isa sa pinakamalaking data base crisis sa GSIS. Ilang lamang anila ito sa kanilang mga naging batayan sa pagpapasahod kay Macasaet ng 250 libong piso kada buwan.
Ipinagmalaki naman ni Macasaet sa harap ng mga kongresista ang ilan sa kanyang mga credential at iginiit na kung tutuusin ay lubhang maliit ang swledong ibinibigay sa kanya ng Supreme Court.
Ani Macasaet, umaabot sa 900 libong piso kada buwan ang kanyang sinasahod noon sa GSIS.
Habang tatlong milyong piso sa isang taon naman ang kanyang natanggap nang magtrabaho siya noon isang pribadong kumpanya.
Samantala, inihayag rin sa pagdinig na bukod sa 250 libong sweldo, nakasaad rin sa kontrata ni Macasaet na maari niyang i-reimburse ang kanyang mga gastos sa pagbiyahe at accomodation.
Subalit ayon naman kay SC Assistant Court Administrator na si Marina Regina Adoracion Filomena Ignacio, paglabag ito sa fixed contract.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: CJ Sereno, Helen Macasaet, IT consultant