Constitutional crisis, pinangangambahan ng isang mambabatas kaugnay ng quo warranto petition vs CJ Sereno

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 1715

Pinangangambahan ni Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe na humantong sa isang constitutional crisis ang ginawang paghahain ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Dagdag pa ni Batocabe, kung papayagan na maalis sa pwesto si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto proceedings, posibleng gamitin na rin ang prosesong ito sa pagpapatalsik sa ibang impeachable official at mawawalan na ng ngipin ang impeachment proceedings sa Kongreso.

Pero ayon kay impeachment committee Chairman Reynaldo Umali, walang constitutional crisis  na mangyayari dahil iba naman ang hurisdiksyon ng quo warranto.

Para hindi na umabot pa sa constitutional crisis, nanawagan ang mga kongresista kay CJ Sereno na kusa nang magtitiw sa pwesto upang hindi na mabahiran pa ang integridad ng Korte Suprema.

Sa March 8, isa isang pagbobotohan ng impeachment committee ang mga grounds of impeachment laban kay CJ Sereno. Magtatakda pa sila ng isa pang araw para naman pagbotohan ang committee report.

Target naman ng kumite na isumite ang articles of impeachment sa plenaryo bago ang session break sa ika-24 ng Marso.

Samantala, ipinauubaya naman na ng Malacañang sa Kongreso gayundin sa Korte Suprema ang kahihinatnan ni CJ Sereno.

Naniniwala din itong ang nangyayari ngayon sa Korte Suprema ay di makaaapekto sa justice system ng bansa.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,