Con-com, ipinanukalang gawing basehan ang “lawless violence” sa pagdedeklara ng batas militar

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 3507

Nais ng consultative committee na magdagdag ng isa pang batayan sa pagdedeklara ng batas-militar. Sa ilalim ng 1987 Constitution, maaari lamang magdeklara ng batas militar kapag may rebelyon o pananakop.

Pero sakaling maaprubahan ang panukala ng komite, idaragdag ang lawless violence bilang batayan ng pagdedeklara ng martial law.

Ayon sa may-akda ng panukala na si retired General Ferdinand Bocobo, ito ay bilang tugon sa banta ng terorismo at ng mga ekstremistang grupo.

Ibig sabihin, pwede nang magdeklara ng batas militar ang pangulo kapag may nangyaring pag-atake ng mga terorista. Pero ayon sa isang human rights lawyer, huling solusyon na dapat ang pagdedeklara ng batas militar.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, nakakabahala at hindi kinakailangan ang panukalang ito ng consultative committee. Mas maganda pa aniyang tugunan ng pamahalaan ang ugat na problema kung bakit may nahihikayat ang mga terorista at ekstremistang grupo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,