Maituturing lang na hamon at gabay ng binuong Consultative Committee ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia sa oras na maisumite for ratification ang kanilang proposed amendment sa Saligang Batas.
Batay sa survey ng pulse asia noong ika-23 hanggang ika-28 ng Marso. 64% sa 1,200 Filipino respondents ang naniniwalang hindi dapat baguhin ang 1987 Philippine Constitution.
Sa nasabing datos, 32 porsyento rito ang nagsasabing hindi dapat amyendahan ang Saligang Batas ngayon pero posible naman sa hinaharap.
Ang nalalabing 32 porsyento naman ay nagsasabing hindi dapat baguhin ang konstitusyon kahit anomang panahon.
Kung ikukumpara sa 2016 Pulse Asia survey, tumaas ng 20 porsyento ang bilang ng mga Pilipinong hindi sumasang-ayon sa charter change.
Batay din sa latest Pulse Asia survey, 66 percent ang tumututol sa isinusulong na pederalismo ng administrasyon.
Tiwala naman ang Con-Com na magbabago ang pulso ng publiko hinggil sa panukalang pag-amyenda sa Saligang Batas kapag naipresenta na ito sa publiko.
At lalo na kung maisasagawa ang plebisito kung saan pagbobotohan mismo ng mga tao kung katanggap-tanggap ba para sa kanila o hindi.
Ayon naman sa Makabayan bloc sa Kamara, malinaw sa naging resulta ng survey na hindi na katanggap-tanggap sa mga Pilipino ang pederalismong isinusulong ng Duterte administration.
Unti-unti na rin umanong bumabagsak ang popularidad ng pangulo.
Nakahanda naman ang grupo na magsagawa ng malawakang kilos-protesta kung isusulong ng mga kaalayado ng administrasyon sa Kongreso ang constitutional assembly.
Giit naman ng Malacañang, marami pang dapat gawin ang pamahalaan para ipaalam at ipaintindi sa publiko ang isinusulong nitong constitutional reforms.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Charter Change, Con-Com, Pulse Asia