Computer hacker na nambibiktima ng mga credit card holders, naaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 3559

Pinasok ng PNP Anti-Cybercrime Group ang bahay ng isang computer hacker sa San Pedro, Laguna.

Ang suspek na si Ace Candelario ay umano’y nambibiktima ng mga credit card holder.

Ayon kay PNP-ACG Spokesperson SInsp. Artemio Cinco, unang nagreklamo sa ACG ang mga bangko sa dami ng disputed transaction ng mga cardholders.

Sinabi pa ni Cinco na modus operandi ni Candelario na magpadala ng email sa mga cardholder na pinalalabas niyang galing sa bangko.

Kapag nabuksan aniya ang link na ipinadala ni Candelario ay mada-divert sa isang phishing site ang biktima.

Kapag nakuha na ang mga impormasyon mula sa cardholder,  magagamit na ito ng mga tulad ni Candelario para makabili sa mga online shopping sites at online food deliveries.

Isa pang istilo para makuha ang cardholder information ay ang pag-hack ng mga website na may record ang cardholders.

Kaya payo ng ACG, mag-ingat sa pagbukas ng spam emails at huwag basta-basta magbigay ng personal na detalye online o sa mga tawag sa telepono.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,