Community Quarantine Status para sa buwan ng Hunyo, iaanunsyo ngayong araw

by Erika Endraca | May 31, 2021 (Monday) | 6578

METRO MANILA – Huling araw na ngayon ng umiiral na community quarantine para sa buwan ng Mayo at may rekomendasyon na ang Inter-Agency Task Force Against COVID-19 kaugnay ng ipatutupad na bagong quarantine status sa buong bansa para sa susunod na buwan.

Batay ito kay cabinet secretary at IATF Co-Chairperson Karlo Nograles.

May nakatakdang pagpupulong ngayong araw (May 31) ang IATF kay Pangulong Rodrigo Duterte.

At mamayang gabi, inaasahan na mismong ang Punong Ehekutibo ang mag-aanunsyo ng paiiraling community quarantine sa buong bansa para sa buwan ng Hunyo.

Dagdag pa ng palace official, nabigyan na rin ng pagkakataong makapag-apela ang mga local chief executive kaugnay ng inirekomendang community quarantine classification sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, kung ang datos ang pagbabatayan tulad ng COVID-19 daily at 2-week attack rate gayundin ang health care utilization rate, posibleng luwagan ang quarantine status sa NCR Plus ngayong Hunyo.

Gayunman, ikinonsidera rin ng IATF ang rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan sa Greater Manila Area.

Kasalukuyang ipinatutupad ang General Community Quarantine with heightened restrictions sa Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna.

“There is a likelihood that the quarantine classification might be relaxed on the basis of formula but subject to the recommendation of the Metro Manila mayors that any further reopening should be gradual” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, tiniyak naman Malacañang na mabilis na tinutugunan ng pamahalaan ang mga apela ng lokal na pamahalaan kaugnay ng quarantine status na ipinatutupad sa mga nasasakupan.

Ayon sa kalihim, ilang araw lang ang kinakailangan bago maglabas ng desisyon kaugnay nito.

Rerepasuhin ng Department of the Interior and Local Government at Department of Health ang datos kaugnay ng COVID-19 situation at ang kakayanan ng lokal na pamahalaan sa prevention, detection, isolation, treatment at reintegration kontra pandemiya.

“Mabilis naman po iyan dahil alam naman natin na iyong period of time na nagkakaroon recommendation at ipinagbibigay-alam sa LGUs kung ano iyong recommendations sa kaniya at saka iyong apela at iyong pag-announce ng quarantine classification ay maikling panahon lang po. So hindi naman po nagtatagal iyang proseso appeal, matter of days lang po iyan.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,