Commonwealth Avenue northbound sa bahagi ng Batasan Hills Quezon City, isinara na sa trapiko

by Radyo La Verdad | July 23, 2018 (Monday) | 3212

Mula sa halos bumper to bumper na sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng northbound ng Commonwealth Avenue sa bahagi ng Batasan Hills sa Quezon City ay bigla itong luminis sa mga dumaraang sasakyan pasado alas diyes ng umaga kanina.

Bunsod ito ng tuluyan nang pagsasara sa trapiko ng Commonwealth northbound na hudyat ng pagdating ano mang oras ng bulto ng mga raliyista papalapit sa Batasan kung saan isasagawa ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tanging iilang mga media vehicles at mga sasakyang patungo sa mismo sa Batasan ang kasalukuyang gumagamit sa naturang kalsada.

Bunsod nito, tuluyan na ring binuksan ang dalawang lanes sa Commonwealth southbound upang madaanan ng mga motoristang papunta sa area ng Fairview. Dahil dito, mas lalong bumigat ang daloy ng mga sasakyan na papunta sa Fairview area. Habang unti-unti na ring naapektuhan at bumabagal ang southbound lane partikular sa area papalapit sa kanto ng Holy Spirit Drive.

Patuloy na pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong kalsada upang makaiwas sa aberya dulot ng matinding trapiko sa Commonwealth northbound.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,