Comm. Sheriff Abas, nominado bilang COMELEC Chairman

by Radyo La Verdad | November 24, 2017 (Friday) | 2840

Nominado ni Pangulong Rodrigo Duterte si COMELEC Commissioner Sheriff Abas bilang COMELEC Chairman. Si Abas ang magtutuloy ng naiwang termino ng nagbitiw na si Andres Bautista na magtatapos sana sa February 2022.

Binigyang linaw naman ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na hindi pa pormal na COMELEC Chairman si Commissioner Abas dahil kinakailangan pa nitong makuha ang approval ng Commission on Appointments.

Magpapatuloy naman bilang Acting Chairman si Comm. Robert Lim hangga’t hindi pa dinidinig ng C.A. ang appointment ni Comm. Abas. Nilinaw rin ni Jimenez na hindi ipinagbabawal sa kalagayan ni Commissoner Abas na maging COMELEC Chairman.

Aniya, may tinatawag na jurisprudence sa batas kung saan maaaring mailuklok na chairman ang isang commissioner ng isang ahensya hannga’t hindi lalagpas ang termino nito sa panahon na dapat ipaglingkod niya sa ahensya.

Kasalukuyan namang nasa ibang bansa ang karamihan sa mga COMELEC Commissioner para sa isang seminar kaya wala pa sa kanila ang nakapagbibigay ng reaksyon.

Nagbigay na rin aniya ng paunang salita si Comm. Abas kay Dir. Jimenez na hindi muna ito magbibigay ng komento sa desisyon ng Pangulo.

Samantala, bukod kay Abas, itinalaga naman bilang bagong pinuno sa Energy Regulatory Commission si Agnes Devanadadera.

Si Devanadera ay dating Justice Secretary at Solicitor General sa ilalim ng administrasyon Gloria Macapagal-Arroyo.

 

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,