Comm. Isidro Lapeña, payag sa panukalang pagbuwag sa BOC kung di masusugpo ang korapsyon sa ilalim ng administrasyong Duterte     

by Radyo La Verdad | October 2, 2017 (Monday) | 3653

 

Hindi nawawalan ng pag-asa si Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña na magkakaroon ng reporma sa kawanihan sa gitna ng isyu ng talamak na korapsyon dito.

Ayon sa BOC chief, nakausap na niya ang grupo ng mga importer at nangako na makikipagtulungan sa mga pagbabago sa BOC, partikular na ang pagbuwag sa “tara” system.

Maglalabas rin aniya siya ng isang memorandum circular upang baguhin ang proseso sa pagbibigay ng alert order na pangunahing pinagmumulan ng korapsyon.

Kung sakali aniyang mabibigo siya sa ipatutupad ng pagbabago at pagtanggal ng korapsyon sa ilalim ng Duterte administration, payag na siya sa panukalang pagbuwag sa kawanihan.

Una nang naghain ng rekomendasyon ang ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na buwagin ang BOC matapos ang imbestigasyon nito sa 6.4-bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula China na nakalusot sa kawanihan.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,