Idinipensa ng Commission on Elections ang “No Bio No Boto” campaign sa harap ng isinampang reklamo ng Kabataan Partylist sa Korte Suprema na humihiling na ideklarang unconstitutional ito.
Ayon sa COMELEC itinatakda ng batas ang ipinatupad nitong “No Bio No Boto” campaign.
Batay sa Section 3 ng Republic act 10367 o ang Mandatory Biometrics Voter Registration act na kailangang sumailalim sa validation ang mga dati nang rehistradong botante na hindi pa nairerehistro ang kanilang biometrics data sa COMELEC.
Nakasaad naman sa Section 7 ng naturang batas na ang hindi nakapagpavalidate o nakapagparehistro ng kanilang biometrics data ay hindi makakaboto sa 2016 elections.
Sa biometrics registration kinukuha ng COMELEC ang larawan, pirma o lagda o at fingerprint ng isang tao at inilalagay sa kanilang data base.
Sakali namang may incomplete biometrics ang isang tao o di kaya ay na corrupt ang kaniyang biometrics record sa comelec ay papayagan pa ring makaboto.
Subalit ang mga dati nang rehistradong botante ngunit wala ni isa mang nakarecord na biometrics data sa poll body ay hindi papayagang makaboto sa darating na halalan.
Ayon sa COMELEC sapat na ang ibinigay na 18 buwan para makapagparehistro o makapagpavalidate ang isang botante..
Isa sa layunin ng batas ay malinis ang voters list gaya ng pagtanggal sa mga double registrants.
Kaya para sa COMELEC may negatibong epekto kung pawawalang bisa ang epekto ng batas.
Ngunit paliwanag ng COMELEC ang mga botanteng nadeactivate at hindi makakaboto sa 2016 elections dahil sa “No Bio No Boto” campaign ay maari pa ring makaboto sa mga susunod pang halalan.
Batay sa Section 8 ng mandatory biometrics voter registration act kailangan lang nilang magpavalidate ng biometrics record pagkatapos ng halalan sa 2016.(Victor Cosare/UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, “No Bio No Boto”