Magsasagawa ang COMELEC Zamboanga ng command conference sa mga darating na araw kasama ang Armed Forces of the Philippines, PNP at iba pang sektor.
Ito ay upang matalakay ang mga dapat paghandaan kaugnay sa nalalapit na 2016 national elections.
Pangunahing na dito ang isyu sa seguridad at kuryente
Ayon sa COMELEC Zamboanga city, may mga na-identify na silang mga barangay at lugar sa lungsod na kinakailangang malagyan ng sapat na tauhan ng AFP o PNP para sa seguridad ng kanilang mga tauhan at mga botante.
Gaya na lamang ng mga island barangay, malapit sa mga baybayin at mga liblib na lugar na mahirap pasukin.
Pag-uusapan rin kung saan pwedeng maglagay ng voting precints sa mga lugar na naapektuhan ng siege noong 2013 dahil hanggang ngayon umano ay hindi pa rin naaayos ang kanilang voting precincts sa mga lugar na ito ayon sa COMELEC.
Bukod sa isyu sa seguridad, mahalaga ring mapagtuonan ng pansin at mapaghandaan ang problema sa kuryente sa lugar na madalas nakakaranas ng brownout.
Sa kasalukuyan ay nakakaranas na naman ang lungsod ng tatlo hanggang apat na oras na rotational brownout bunsod ng kakulangan ng suplay sa kuryente.
Pinangangambahang lalala pa ito dahil sa umiiral na El Niño phenomenon sa bansa na inaasahang mas lalo pang titindi sa susunod na mga buwan.
Mahalagang magkaroon ng stable na suplay ng kuryente lalo na sa mismong araw ng eleksyon upang hindi maantala at maapektuhan ang proseso ng botohan.
Kaya naman apela ng lokal na pamahalaan sa Zamboanga City Electric Cooperative o ZAMCELCO na maging bukas sa pakikipag-kontrata sa iba pang power company para sa pagkakaroon ng 24 oras na suplay na kuryente sa lugar.(Dante Amento/UNTV Correspondent)
Tags: 2016 elections, COMELEC Zamboanga