Comelec, wala pang nakikitang problema sa paghahanda sa plebisito para sa Bangsamoro region at 2019 midterm elections

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 3883

Tatlong malalaking botohan ang pinaghahandaan ngayon ng Commission on Elections (Comelec). Kabilang na dito ang plebisito para sa itatatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang 2019 midterm elections.

Ayon sa poll body, hinihintay na lamang nila ang beripikasyon ng pagsasapubliko ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na isa sa mga kailangan para ito ay maipatupad.

Dito na makikita ng Comelec kung kailan maitatakda ang plebisito para sa ratipikasyon ng BOL at ng referendum ng mga lugar na sasama sa Bangsamoro region, kabilang na ang 39 na mga barangay ng North Cotabato, anim na munisipalidad ng Lanao del Norte, Isabela City sa Basilan at ilang siyudad sa Cotabato.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, may posibilidad na sa Enero ng 2019 maisagawa ang plebisito. Bilang paghahanda rito, palalawigin pa ng Comelec ang voters registration sa mga lugar na isasagawa ang plebisito.

Samantala, ngayong araw ay magsisimula na ang filing ng certificate of candidacy (COC) sa Marawi City para sa barangay at Sanggunian Kabataan elections.

Mula sa ika-17 ng Agosto hanggang ika-29 ng Setyembre ang election period sa Marawi. Magsisimula ang campaign period sa ika-12 ng Setyembre at ang araw ng eleksyon ay sa ika-22 ng Setyembre.

Una nang ipinagpaliban ang barangay polls sa syudad dahil sa hindi pa naisasaayos na mga napinsala dulot ng  nangyaring bakbakan sa pagitan ng pamahalaan at Maute terrorist.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,