METRO MANILA – Patuloy ang koordinasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kaugnay sa mga ipatutupad na health protocols sa darating na halalan sa gitna ng umiiral na pandemya.
Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, kabilang sa kanilang pinaghahandaan ay ang posibleng pagpasok ng bagong COVID-19 variant na Omicron sa bansa.
“We’re looking at what disease experts are saying about Omicron, and we will adjust accordingly in any case from the very beginning alam natin that there is always a possibility that this lull that we’re in right now might change very quickly. In fact, we are expecting a little bit of a surge during the Christmas holidays.” ani Comelec Spokesperson, Dir. James Jimenez.
At bagamat wala silang planong ipagpaliban ang halalan sa pangkalahatan…maaari namang magkakaroon ng postponement sa ilang lugar o isolated cancellation kung talagang kailangan.
Bukod sa COVID-19, ang iba pang ikinokonsidera para ma-postpone ang eleksyon ay kung may matinding presensya ng mga armadong grupo sa venue ng botohan.
Nangyari na ito sa mga tinatawag na hotspot area kung saan matindi ang labanan sa politika at sa matinding tinamaan ng kalamidad gaya sa Zamboanga City noong 2013.
Binigyang diin ng Comelec na maaari nilang i-aapela sa IATF kung sakaling may mga Local Government Unit (LGU) na magdeklara ng granular lockdown sa mismong araw ng halalan.
Inaasahang magpupulong naman ang Comelec at IATF bukas para pag-usapan ang mock elections sa 6 na probinsya at dito sa National Capital Region sa December 29, 2021.
(Dante Amento | UNTV News)