Comelec tiniyak na secured ang computer program ng mga Vote Counting Machines sa isasagawang source code review

by Radyo La Verdad | September 24, 2015 (Thursday) | 1064

COMELEC-FACADE-2
Hiniling na sa Comelec ng Liberal Party, UNA, Nacionalist People’s Coalition o NPC, Lakas CMD, Unang Sigaw Party at ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV na makalahok sa source code review na sisimulan sa Oktubre.

Hanggang September 30 ang pagsusumite ng request letter sa Comelec ng iba pang interesadong grupo.

Batay sa resolusyong inilabas ng Comelec, ang papayagan lamang na makasali sa source code review ay ang mga political party o koalisyon na rehistrado sa Comelec, organisasyon na accredited sa komisyon katulad ng Accredited Citizen’s Arm, dalawang I.T. groups na rekomendado ng Comelec Advisory Council at ang host educational institution.

Ang source code ang computer program na nagdidikta kung paano gagana ang voting machine gaya sa pagbasa ng balota at pagbilang ng boto.

Kaya ito isasailalim sa review ay upang masiguro na walang makapagsingit ng ibang programa sa makina o makapandaya.

Tiniyak naman ng Comelec na hindi matatamper ang source code sa gagawing review dahil nasa isang secured na lugar ito isasagawa.

Una nang nagpahayag ng pangamba si Election Lawyer Atty. Romulo Macalintal na posibleng matamper ang source code kung irereview pa ito ng ibang grupo.

Ayon kay Commissioner Luie Tito Guia na pinuno ng Transparency Committee ng Comelec, ang irereview ng iba’t ibang grupo ay ang kopya ng source code na kasabay ding dumadaan sa pagsusuri ng kinuhang International Certification Entity ng Comelec na nasa Amerika.

Iko–customize din ang source code upang maging akma sa pangangailangan ng halalan sa Pilipinas at ito na rin ang ilalagay sa mga gagamiting makina sa darating na halalan.

Upang matiyak na tamang source code ang naipasok sa voting machine may hash code o computer generated code na maaaring ipaghambing.

Isasailalim din sa pagsusuri ng ibat ibang grupo ang customized source code sa Pebrero.

Ngunit para sa Philippine Computer Society, hindi sapat ang source code review dahil dapat naglalabas din ng resibo ang mga makina na nagpapatunay na tama ang pagbasa nito sa mga balota. ( Victor Cosare / UNTV News)

Tags: , , ,