Matapos magdesisyon ang Korte Suprema na dapat mag imprenta ng voter’s receipt ang Commission on Elections sa darating na halalan, naniniwala ang COMELEC na ang magaganap na May 9 polls ang magiging pinaka transparent sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ngunit isa sa pangamba ng mga mambabatas ay kung maipapadala sa tamang oras ang mga bibilhing karagdagang thermal papers para sa iimprentang mga resibo.
Sa April 5 mangyayari ang opening of bids at kung walang aberya target ng COMELEC na simulan ang deployment ng mga ito sa April 20.
Mas mapapaaga sana ang deployment sa mga thermal paper kung pumayag ang government procurement policy board na pumasok sa direct contracting ang COMELEC para sa 85.8 million peso thermal paper contract.
Subalit ayon sa procurement board, ang mga kontrata na nagkakahalaga ng 500 milyong piso pataas lang ang maari nilang bigyan ng exemption.
Ayon kay Bautista isa lamang ito sa mga hamong kanilang inilatag sa Korte Suprema kung bakit hindi na dapat mag imprenta ng resibo.
Samantala, matapos matalo sa isyu ng pag-iimprenta ng resibo, mahaharap naman sa isang panibagong reklamo sa Korte Suprema ang COMELEC sa susunod na linggo
Balak kwestyunin ng isang grupo ang paggamit ng COMELEC ng machine generated digital signatures sa pagpapadala ng resulta ng botohan mula sa presinto patungong canvassing centers.
Samantala balak ng COMELEC na agahan ang simula ng halalan sa May 9.
Imbes alas siete ng umaga, nais nang COMELEC na gawing 6am to 5pm na ang voting period.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, May 9 elections, most transparent