COMELEC, sinuspinde na ang preparasyon sa barangay at SK elections

by Radyo La Verdad | October 4, 2017 (Wednesday) | 4140

Sinuspinde na ng Commission on Elections o COMELEC ang lahat ng preparasyon at aktibidad na may kaugnayan sa barangay at Sangguniang Kabataan election. Ito ay matapos pirmahan noong Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10952 o ang election postponement law.

Sa ilalim ng batas, itatakda na ang barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Mayo sa taong 2018. Mananatili din muna sa puwesto ang mga kasalukuyang opisyal hanggang sa mahalal ang mga papalit sa kanila, ayon sa batas.

Ayon sa COMELEC umabot na sa mahigit 700 million pesos ang nagamit na pondo bilang paghahanda sa election. Nilinaw naman ng COMELEC na ang natitirang pondo para sana sa election ngayon taon ay gagamitin na sa susunod na taon.

Samantala, kaugnay nito ay itinigil na ng PNP ang pagpapatupad ng election gunban. Mula October 1 hanggang October 4, umabot sa limampu’t dalawa ang mga naaresto ng PNP na lumabag sa nationwide gun ban. Apat na pu’t pito naman ang nakumpiska na mga firearms sa iba’t-ibang check points sa buong bansa.

Ayon sa PNP, lahat ng mga nahuli na lumabag habang ipinapatupad ang nationwide gun ban ay kakasuhan nila sa Korte. Dagdag pa ng PNP, bagamat lifted na ang gun ban tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mga checkpoints sa buong bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,