Comelec, sinimulan nang dinggin ang mga petition upang ideklarang nuisance candidate ang ilang naghain ng COC

by Radyo La Verdad | November 4, 2015 (Wednesday) | 2350

COMELEC
Isa-isa nang ipinatawag ng Comelec 1st and 2nd division ang mga naghain ng Certificate of Candidacy para sa pagka-pangulo , pangalawang pangulo at senador kaugnay sa isinampang motu propio petition ng Comelec Law Department upang sila ay ideklarang nuisance candidate.

20 ang unang ipinatawag ng 1st Division habang 25 naman sa 2nd Division.

Pinagpapaliwanag ang mga respondent kung bakit hindi sila dapat ideklarang nuisance candidate.

Ilan sa basehan ng poll body upang ibilang na nuisance ang isang kumakandidato ay kung ginagawang biro, nais lamang lituhin ang mga botante o kung sila ay hindi seryoso sa pagkandidato gaya ng kawalang kakayahan upang makapagsagawa ng nationwide campaign.

Ilan sa mga pinatawag ay hindi sumipot sa pagdinig at batay sa rules kung hindi humarap ang respondent o ang authorized representative nito submitted for resolution na ang kaso.

Ilan naman sa mga ipinadedeklarang nuisance candidate ang nagsumite na ng statement of withdrawal of candidacy bago pa ang itinakdang pulong ngayong araw.

Matatandaang 125 sa 130 presidential aspirants ang pinadedeklarang nuisance ng law department.

Habang 13 naman sa 19 na tatakbong vice president at 128 sa 172 na nag aambisyong maging senador ang nahaharap sa katulad na petisyon.

Kabilang sa nahaharap sa petition to declare as nuisance candidate ang presidential bet ng Kapatiran Party na si Rizalito David.

Ngunit ayon kay David nagkaroon lang ng kalituhan dahil sa sulat na ipinadala ng presidente ng Kapatiran Party na si Norman Cabrera sa Comelec na nagsasabing walang patatakbuhing mga kandidato ang partido.

Sinabi ni David na hindi na nila kinikilalang pangulo ng partido si Cabrera dahil nagresign na ito noon at nang maghain sila ng kandidatura may kaakibat itong Certificate of Nomination and Acceptance o CONA na pirmado ng secretary general ng kanilang partido.

Itinakda ang mga pagdinig sa petition to declare as nuisance candidate hanggang sa November 12.

Target ng poll body na makapaglabas ng official list of candidates sa December 10. ( Victor Cosare / UNTV News )

Tags: , ,