Nagsagawa ng joint command conference ang COMELEC Cordillera kasama ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Tinalakay sa pulong ang paghahanda sa nalalapit na eleksyon sa buwan ng Mayo at ang mga ipatutupad na seguridad sa rehiyon.
Sa tala ng COMELEC, aabot sa mahigit siyam na raang libo ang rehistradong botante sa buong Cordillera; pinakamarami sa benguet na may mahigit dalawandaang libong botante habang pinaka-kaunti naman sa apayao na may halos 65,000 registered voters.
Ayon kay Police Regional Director Chief Superintendent Ulysses Abellera, mahigit isang libo at tatlong daang voting centers sa rehiyon ang kailangang bantayan sa araw ng halalan.
Ngunit higit nilang tututukan ang lalawigan ng Abra na kabilang sa watchlist ng PNP dahil sa mataas na kaso ng election-related crimes.
Ipinakita rin ng COMELEC sa mga sundalo at pulis ang kakayahan ng Vote Counting Machines na gagamitin sa Mayo pati na ang pag-iimprenta nito ng resibo at onscreen vote verification.
Paalala ng COMELEC sa mga botante na maging maingat sa paggamit ng mga balota dahil wala silang ibibigay na extra ballots kapag nagkamali sa shading o nasira ito.
Tags: AFP, COMELEC, Cordillera, Mayo, PNP