COMELEC, pinaghahandaan na ang halalan sa 2022 kasunod ng banta ng COVID-19 pandemic

by Erika Endraca | September 25, 2020 (Friday) | 1424

METRO MANILA – Inilatag ng Commission on Election (COMELEC)  sa house committe on appropriations ang kanilang mga plano para sa 2021 elections kung mananatiling banta ang COVID-19 sa kalusugan ng mga botante.

Ayon sa COMELEC, posibleng gawing mahigit sa isang araw ang eleksyon para mas kakaunti ang tao na pupunta sa polling areas at lilimitahan sa 5 tao lang ang nasa loob ng prisinto. 65.4M ang tinatayang botante sa 2022 elections o mas mataas ng 13.76% sa nakaraang halalan.

“Kapag marami ang botante at nagsisiksikan sila sa isang makina medyo unsafe yan pagdating sa situwasyon natin ngayon na pandemya.”ani COMELEC Spokesperson, Dir. James Jimenez.

Gusto sana nilang bumili ng mga bagong vote counting machines pero binawasan ng Department of Budget and Mangement ng mahigit sa kalahati ang hiniling nilang pondo.
“Yung gagawin namin sa present budget kung yan lang mabigay sa amin is ire-refurbish namin… gagawin naming parang bago “ ani COMELEC Chairman, Sheriff Abas.

Iminungkahi naman ni Pampanga 2nd District Representative Mikey Arroyo na ipagpaliban muna ang 2022 presidential elections dahil sa pandemya.

Ayon naman kay Agusan Del Norte Representative Lawrence Fortun, posibleng matakot ang mga botante na lumabas para bumoto kung hindi masisiguro ang kaligtasan ng mga ito.

Isa pa sa hinihintay ngayon ng comelec ay ang mga panukalang batas na magbibigay ng ibang paraan ng pagboto.  Tulad ng paggamit ng koreo o mail o kaya ang mas maagang pagboto ng mga senior citizen at Persons With Disabilities (PWD).

Tinitingnan narin ng komisyon na buksan ang online filing ng kandidatura para hindi na pumunta ang mga kandidato sa COMELEC offices.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: