COMELEC, nanghihinayang sa mahigit P600M nagastos sa paghahanda para sa October polls

by Radyo La Verdad | September 27, 2017 (Wednesday) | 3179

Mahigit 50 milyong balota na ang naimprenta ng COMELEC para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sana sa susunod na buwan.

Umabot na rin sa anim na raang milyong piso ang nagagastos ng Commission on Elections para sa paghahanda.

Kabilang na rin dito ang mga naimprentang voter’s list na ipamamahagi sa mga polling precints sa bansa.

Pinanghihinayangan naman ng COMELEC ang mga nagastos na dahil kamakailan lang ay nagpasya ang dalawang kapulungan ng Kongreso na aprubahan ang panukalang ipagpaliban ito.

Sa kabila nito, napagdesisyunan ng COMELEC En Banc kahapon na mananatiling nasa status quo ang preparasyon sa halalan.

Bagamat nanghihinayang, nagpapasalamat na rin sila sa kabilang banda dahil maaari na anilang tutukan ngayon ang susunod na eleksyon sa 2018.

Ayon kay COMELEC Dir. James Jimenez, hindi naman kailangang maglabas ng dagdag pondo at pwersa para sa barangay at SK polls.

Apela naman ng Legal Network for Truthful Elections o LENTE, dapat matuloy ang halalan lalo na’t may mga nais nang mapalitan ang kanilang barangay officials.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,