Kung pagbabatayan ang resulta ng Random Manual Audit o RMA sa katatapos na halalan, naniniwala ang Philippine Statistics Authority na tama ang pagbilang ng mga vote counting machine sa mga botong nasa balota.
Ang RMA ay prosesong nakasaad sa automated elections law kung saan manu manong bibilangin ang mga boto sa balota at ikukumpara sa electronically generated results.
Ang isina-ilalim sa 2016 elections audit ay ang mga boto sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo, miyembro ng House of Representatives, governor at mayor.
Ayon sa RMA Committee, 99.884% ang overall accuracy rate ng mga balotang dumaan sa 2nd level screening ng 678 sa 715 na presinto sa buong bansa.
Paliwanag ng mga miyembro ng RMA Committee ang karaniwang nakitang deperensya o pagkakaiba ay bunga ng hindi maayos na pag shade ng mga botante sa oval na tumutukoy sa ibinoto nilang kandidato.
Subalit may 14 na ballot boxes naman na dumaan na sa 1st level audit ng RMA team ang hindi nireview o idinaan sa 2nd level screening ng RMA Committee matapos makitang kulang na ang balota sa loob ng ballot boxes.
Pinaiimbestigahan na ng COMELEC kung bakit bawas na ang mga balota.
May ilang ballot boxes din ang hindi pa nakukuha ng rma committee at inaasahang makukumpleto na ito sa Sabado.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: 99.884% na accuracy rate, COMELEC, Random Manual Audit