Comelec, nagpaalala sa mga kakandidato na ipinagbabawal ang premature campaigning

by Radyo La Verdad | April 23, 2018 (Monday) | 2911

Sinimulan na ng Commission on Elections ang evaluation ng mga certificate of candidacy (COC) na naisumite simula ika-14 hanggang ika-21 ng Abril para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Kapag handa na ang mga ito, ipapaskil na sa mga Comelec field office ang final at official list ng mga barangay at SK elections candidates sa katapusan ng Abril.

Sa tala ng Comelec, halos 1.1 million ang mga nagsumite ng kanilang COC hanggang noong ika-20 ng Abril, araw ng Biyernes.

Pinalawig ang filing ng COC hanggang ika-21 ng Abril alinsunod sa kautusan ng Comelec en banc dahil sa mababa ang turnout ng SK candidates.

Una itong hiniling ng National Youth Commission upang madagdagan pa ang bilang ng mga kakandidato mula sa hanay ng mga kabataan.

Sa huling tala ng Comelec, umabot na sa  386,206 ang nakapaghain ng COC para sa SK elections, sobra na sa 338,584 SK positions na kailangang mapunan.

Paalala naman ng Comelec, hindi pa maaaring mangampanya ang mga kandidato hangga’t hindi pa nagsisimula ang campaign period na nakatakda sa ika-4 hanggang ika-12 ng Mayo 2018. Mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang premature campaigning.

Dagdag pa ng Comelec, hindi maaaring gumastos ang mga kakandidato ng higit sa ipinahihintulot ng Comelec batay sa Ominubus Election Code.

Noong ika-13 ng Abril, sinimulan na ring ipaalala ng Comelec kasama ang EcoWaste Coalition sa mga tatakbo sa barangay at SK polls na sumunod sa “waste-free elections”.

Dapat na ang mga ito ang maging halimbawa ng pagsunod sa batas at magpanatili ng kalinisan sa kanilang mga nasasakupan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,