METRO MANILA – Nakipag-ugnayan na ang Commission on Elections (Comelec) sa mga mall owner at ilang ahensiya ng gobyerno para sa pagsasagawa ng nationwide mall voters sign up simula bukas, September 11.
Layon ng Comelec na maging kumbinyente ang publiko at mapigilan ang posibleng hawaan ng COVID-19 sa inaasahang pagdagsa ng mga magpaparehistro sa Comelec offices bago ang deadline ng registration sa September 30.
Ang schedule ng mall voters sign up ay maaaring ma-access sa official website at social media accounts ng Comelec.
Isasagawa ito sa mga participating malls gaya ng SM supermalls at iba pa.
Samantala, nagpatupad naman ang local office ng Comelec sa Quezon City ng color coded number system depende kung saang distrito nakatira ang isang magpaparehistro.
Nulimitahan din sa 300 botante per district ang maaaring makapag-parehistro kada araw.
Ito ay upang maiwasan ang mahabang pila at hindi abutin ng matagal na oras ng paghihintay.
Upang tiyaking nasusunod ang mga health protocol, may mga nakadeploy na barangay coordinators at police personnel sa lugar na regular na nagpapaalala sa mga nakapila.
Malaking tulong naman para sa mga residente ang bagong proseso ng voter registration kumpara sa dating sistema na inaabot ng maghapon.
Maaari namang dumirecho sa registration area ang mga senior citizen at persons with disability dahil mayroong special lane na nakalaan para sa kanila gayundin sa mga nakapag-schedule na ng online appointment.
Payo ng Comelec, siguruhing kumpleto ang kinakailangang requirements para hindi magkaproblema sa registration area.
Para sa mga hahabol pa sa pagpaparehistro, kailangang mag-download ng Comelec forms na maaaring ma-access online sa www.comelec.gov.ph o sa i-rehistro, at dalhin ang printed copy ng form sa Comelec office para sa registration.
(Marvin Calas | UNTV News)
Tags: COMELEC, Voters Sign Up