Sa layuning maibigay ang karapatan ng mga katutubo o indigenous people na makaboto ay maglalagay ang COMELEC ng Separate Polling Place o SPP at Accessible Voting Centers o AVC sa araw ng halalan.
Susubukan muna ito ng COMELEC sa Oriental at Occidental Mindoro bago isagawa sa ibang lugar sa bansa na may mga IP community.
Sa konsepto ng spp maglalaan ng bukod na presinto sa mga voting centers para sa mga mangyan ng Mindoro.
Sa AVC naman maglalagay ang COMELEC ng mga voting center na mas malapit sa kanilang komunidad.
Batay sa pag-aaral, karaniwang problema ng mga IP ay ang accessibility sa mga voting center sa kanilang mga komunidad na naglalagay din sa kanila sa panganib.
Nakakaranas din ng diskriminasyon ang mga katutubo pagdating sa mga polling precinct.
Sa SPP at AVC, hindi ang mga katutubo ang magpapasok ng balota sa Vote Counting Machine dahil walang nakalaan na VCM para sa kanilang presinto.
Pagkatapos mamarkahan, kokolektahin ng tauhan ng COMELEC ang kanilang mga balota at ilalagay sa isang sealed envelope bago dalhin sa regular na presinto kung saan ang nakatalagang Board of Election Inspector ang siyang magpapasok nito sa VCM.
Ayon kay COMELEC Commissioner Luie Tito Guia, may inihanda na rin silang security plan upang maingatan ang balota mula sa SPPs at AVCs.
Sa ngayon nasa mahigit 2,800 mangyan sa Mindoro ang nagpatala upang bumoto sa 18 SPP at 5 AVC sa darating na halalan.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: accessible voting center, COMELEC, mga indigenous people, mga polling place