Comelec itinanggi na magreresulta sa no election scenario, kung magpapatuloy ang TRO sa No Bio No Boto sa 2016 elections

by Radyo La Verdad | December 8, 2015 (Tuesday) | 1464

ANDRES-BAUTISTA
Aminado ang Commission on Elections na may malaking epekto sa ginagawang paghahanda nito sa halalan ang inilabas na Temporary Restraining Order ng Korte Suprema sa No Bio No Boto Campaign.

Kung hindi maaalis ang TRO, mangangahulugan na kailangang payagan ng Comelec na makaboto sa 2016 elections ang mahigit sa dalawang milyong botante na hindi nakapagparehistro ng kanilang biometrics data sa komisyon.

Isa sa mga kritikal na aspeto sa paghahanda ng Comelec ay ang matukoy ang tamang bilang ng mga boboto sa halalan.

Apela ng Comelec sana alisin muna ang TRO at payagan itong magtuloy-tuloy ang paghahanda sa halalan habang nireresolba ang isyu.

Nakatakdang sagutin ng Comelec ang petisyong inihain ng Kabataan Partylist sa Korte Suprema pero bukod dito ay balak ding sulatan ng poll body ang mga mahistrado ng SC.

Pinasinungalingan naman ng pinuno ng Comelec ang no election scenario sa 2016.

Subalit isa sa nakikitang posibilidad ng Comelec ang baguhin ang petsa ng halalan.

Kung malilipat ang petsa ng halalan hindi ito dapat masyadong malapit sa June 30 na petsa sa pagtatapos ng termino ng pangulo ng bansa.

Samantala nagpahayag ng pagtutol ang Malakanyang sa no election scenario. (Victor Cosare/UNTV News)

Tags: , , ,