COMELEC, ipipresenta sa kongreso ang ginagawang paghahanda sa Brgy. at SK elections

by Radyo La Verdad | August 15, 2022 (Monday) | 18459

Nais ng Commission on Elections (COMELEC) na magkaroon ng malinaw na direksyon kaugnay sa nakatakdang December 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ayon kay Chairman George Erwin Garcia ngayong Martes, Aug. 16 ay ilalatag nila sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang kanilang mga ginagawang paghahanda sa nalalapit na eleksyon. Ito ay sa gitna na rin ng mga panukalang batas na layong ipagpapaliban ang halalan.

Dagdag pa ni Garcia, sa ngayon, naumpisahan na nila ang procurement o pagbili ng mga gagamitin sa eleksyon.

“Ipipresenta namin na tayo ay nagdedebate to proceed or not tutuloy na po kami sa aming mga dapat gawin, for example nagsimula na po kami ng ilang procurement katulad ng pagbili halimbawa ng mga padlock na gagamitin natin tatandaan po natin tayo po ay manual elections at hind computerized election at magsisimula tayo sa pagbili ng mga ballpen ng mga indelible ink ng mga papel para makapagprint ng balota,” pahayag ni Chairman George Erwin Garcia, Comelec.

Sa susunod na buwan ay target ng komisyon na simulan ang pag-iimprenta ng mga manual ballot para sa Barangay at SK elections.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , ,