Comelec, inilabas na ang partial list ng mga kandidato

by Jeck Deocampo | January 28, 2019 (Monday) | 16324

MANILA, Philippines – Binubuo ng 76 na mga kandidato sa pagka-senador at 134 na party-list organizations ang partial list ng Commission on Elections (COMELEC) para sa 2019 midterm elections. Inilabas ito ng poll body noong araw ng Sabado.

Kabilang sa nasabing listahan sina dating Senator Sergio Osmeña III at re-electionist Senator Aquilino “Koko” Pimentel III.  Ibig sabihin, tuluyan nang isinasantabi ng poll body ang disqualification cases laban sa kanila. 

Ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez, “Yung mga nasa list, ‘yun na ‘yung mga tapos na ang mga appeal…so ‘yung wala sa list, wala na ‘yun.” 

Mayroon ding 13 kandidato sa senatorial list na posibleng matanggal sa final list depende sa kalalabasan ng mga nakabinbin pang petisyon laban sa kanila. 

“Kung wala sila sa dalawang listahan na ,yun, wala na akong masasabi tungkol sa kanila. Kung mayroon silang pending na petitions elsewhere, dapat nasama sila sa listahan na ‘yun,” dagdag pa ni Director Jimenez.


Higit 150 ang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy sa pagka-senador samantalang kulang 200 para sa party-list organizations noong Oktubre ng nakaraang taon at karamihan sa kanila ay hindi ibinilang sa listahan matapos ituring na nuisance candidates.

Samantala, wala pang petsang itinatakda ang Comelec sa simula ng pag-imprenta ng balota para sa parating na halalan. 

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , , , , , ,