Nanindigan ang Commission on Elections na ang National Printing Office pa rin ang mag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa 2016 elections.
Taliwas ito sa ulat na ipauubaya na rin umano ng komisyon sa Smartmatic ang printing ng mga balota.
Ngunit paliwanag ng Comelec, bago isinagawa ang bidding para sa mga gagamiting makina, bundling ang isa sa kundisyon ng poll body sa mga lalahok na kumpanya.
Ibig sabihin bukod sa pagsusuplay ng voting machines, ang winning bidder din ang magpoprovide ng ballot paper at ink para masigurong akma ito sa mga OMR Machine.
At dahil Smartmatic ang nanalo sa bidding makikipag-ugnayan ngayon ang Smartmatic sa NPO para sa pag iimprenta ng balota.
Sa susunod na linggo magpupulong ang Comelec, Smartmatic at NPO para pag usapan ang pag iimprenta ng balota.
Walang karagdagang pondong ilalaan ang Comelec sa ballot printing dahil kasama na ito sa sasagutin ng Smartmatic.
Sa Nobyembre pa matutukoy ng Comelec kung ilang balota ang kakailanganin kapag natapos ang huling Election Registration Board o ERB hearing upang maisapinal ang bilang ng mga botante.
Sa Abril naman target matapos ang pag imprenta ng mga balota upang masimulan na rin ang pagde-deliver ng mga ito sa iba’t ibang lugar sa bansa. (Victor Cosare / UNTV News)