Comelec, iginiit na labag sa batas ang Vote Buying

by Radyo La Verdad | October 28, 2021 (Thursday) | 8669

METRO MANILA – Hindi sang-ayon si Commission on Election (Comelec) Spokesperson Director James Jimenez sa ideya na tanggapin ang pera galing sa pulitiko pero ibabatay pa rin ng botante sa kaniyang konsensiya kung sino ang iboboto sa halalan.

Ayon sa poll body, isang election offense ang vote buying kahit ano pa man ang sitwastong pinansyal o intensyon.

Hindi ito dapat ginagawa, at di dapat iminumungkahi sa mga botante.

Si Presidential Aspirant Senator Ronald Dela Rosa, bilang isang dating pulis, sinabing hindi dapat kinukunsinti ang vote buying.

Huwag aniyang tanggapin ang pera mula sa kandidato at agad itong i-report sa pulis.

Binigyang diin niya na ang vote buying ay nagtuturo rin sa mga botante na maging estafador.

“Pero kung nagte-tempt ka sa pera, nasasayangan ka dahil iniisip mo pera naman yan ng gobyerno alam ko kinurakot lang niya sa pera ng bayan tanggapin ko na lang , pero pagtanggap mo since binigay yan para iboto mo ang tao na yun, sabihin mo huwag mong iboto dalawang offense ang ginawa mo, meron kang election offense tinanggap mong pera vote buying and another offense is estafa dahil kinuha mo pera hindi mo ibinoto ang nagbigay sa iyo ng pera” ani Presidential Aspirant Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Batay sa article 22, section 261 ng omnibus election code, mahigpit na ipinagbabawal ang vote buying at kung mapatunayang ginawa ito ng isang kandidato, magiging dahilan ito para sa kaniyang diskwalipikasyon.

Samantala, nilinaw naman ni Vice President Leni Robredo ang kanyang naging pahayag ukol sa vote buying.

Hindi siya sang ayon sa vote buying dahil labag aniya ito sa batas.

Ayon sa bise presidente, ang kaniyang sinabi ukol dito ay batay lamang sa kung ano ang reyalidad na nangyayari sa bansa.

“Aware tayo sa nasa batas. Hindi tayo masaya na hindi ito nae-enforce pero dapat bukas ‘yong mata natin sa realities on the ground. Ang dapat na ginagawa natin na kahit may tumatanggap dapat hindi susundan ‘yong boto na parang meron kang utang na loob doon sa nagbigay.”ani Vice President Leni Robredo.

Dapat rin aniyang palakasin ang pagpapatupad ng batas laban sa vote buying.

Si presidential aspirant Mayor Isko Moreno Domagoso ay sinabing hindi masisisi ang tao na tumanggap ng pera dahil sa hirap ng buhay. Pero, naniniwala siyang matalino ang mga botante at alam nila kung sino ang tunay na may malasakit.

Ayon naman kay Presidential Aspirant Senator Manny Pacquiao ang pagtulong sa kapwa ay sa lahat ng panahon hindi lamang sa panahon ng eleksyon. Alam aniya ng mga botante kung sinu ang mga nagkukunwari lamang na mga pulitiko.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , ,