Tinalakay kahapon sa Kamara ang panukalang pondo ng Commission Elections (Comelec).
Nasa 10.28 bilyong piso ang proposed budget ng ahensya para sa susunod na taon. Mas mababa ito ng halos anim na bilyong piso sa kanilang 16.1-bilyong pisong budget ngayong taon.
Pero humihiling ang mga ito sa Kamara ng karagdagang 2.1 bilyong piso na pondo para sa honoraria ng guro magsisilbi sa halalan alinsunod sa Election Service Refrom ACT (ESRA).
Paliwanag ni Comelec Chairman Sheriff Abas, nasa 150 milyong piso na lang ang natitirang pondo para sa honoraria at benepisyo ng mga guro mula sa pondo ng BSKE elections nitong Mayo 2018.
Humiling din ang Comelec ng 854 milyong piso para sa pagdaraos ng plebisito upang pagtibayin ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sakaling maipasa naman ang panukalang charter change o paglipat sa federalismo, kakailanganin din ng Comelec ng 6 to 8 bilyong piso na pondo para sa isang hiwalay na plebisito upang maratipikahan ang bagong Saligang Batas.
Kinatigan naman ng house committee ang panukalang pondo ng Comelec para sa 2019 maging ang dagdag pondong hiling ng poll body.
Ayon kay House Majority Leader Rep. Rolando Andaya Jr., ang inilaang pondo para sa poll body ay nangangahulugan na hindi mangyayari ang no elections o no-el scenario sa susunod na taon.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )