Comelec, hinikayat ni Pang. Duterte na imbestigahan ang umano’y electoral fraud

by Radyo La Verdad | May 13, 2022 (Friday) | 905

METRO MANILA – Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na walang nangyaring dayaan sa isinagawang 2022 national and local elections.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy na canvassing ng mga boto kung saan inaasahan nang magwagi si dating senador Ferdinand Bongbong Marcos Junior.

Gayunman, upang mabigyan ng garantiya ang mga nagdududa na walang iregularidad, hinikayat ni Pangulong Duterte ang Commission on Elections (COMELEC) na imbestigahan ito.

Samantala. Nirerekomenda ng punong ehekutibo sa hahalili sa kaniya na buwagin na ang party-list system na inaabuso umano ng leftist groups.

Suhestyon din nito sa susunod na pangulo, agad na isulong ang proseso ng Charter Change o pag-amyenda sa saligang batas.

Hindi nagtagumpay ang pangulo sa pagsusulong ng Federalism sa ilalim ng kaniyang termino.

Sa ibang balita, pinangalanan na ng Malacanang ang mga miyembro ng Presidential Transition Committee (PTC) ng Duterte administration na pinangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Kabilang sa mga miyembro ay sina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, Finance Secretary Carlos Dominguez, budget Usec. Tina Rose Marie Canda at Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.

Nilikha ang PTC sa pamamagitan ng administrative order number 47 ang nagbigay na ng direktiba sa lahat ng kagawaran, kawanihan at tanggapan sa ilalim ng executive department na lumikha ng sariling internal transition committees.

Ang PTC ang titiyak ng maayos na transition ng kapangyarihan sa susunod na administrasyon sa June 30, 2022.