Sa tala ng Commission on Elections, mula July 15 hanggang July 25, mahigit sa 1.4 million ang nagparehistro sa buong bansa upang makaboto sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa October 31.
Hanggang ngayong Sabado na lamang, July 30, ang itinakdang registration period ng COMELEC at hindi na ito magbibigay pa ng extension.
Ayon sa poll body, maapektuhan ang iba pang aspeto ng paghahanda para sa October elections kung palalawigin pa ang voters registration.
Dahil malapit na ang deadline, ayon sa COMELEC, asahan na rin ang mahabang pila ng mga hahabol na magrerehistro sa mga tanggapan ng COMELEC.
Hindi na kailangang magparehistro ang mga nakaboto na noong May 9 elections.
Subalit kailangan namang magpareactivate ang may mahigit sa 2 milyong deactivated voters dahil hindi nairehistro sa COMELEC ang kanilang biometrics data bago ang May 9 polls.
Sa naturang bilang, 83 libo pa lamang ang nagpareactivate kaya panawagan ng komisyon samantalahin ang nalalabing araw upang maiayos ang kanilang records sa COMELEC.
Bukod sa mga apektado ng ‘No bio No boto’, maituturing din na deactivated voters ang hindi nakaboto sa nakalipas na dalawang magkasunod na national elections.
Samantala, kinansela naman ng COMELEC ang bidding para sa ballot boxes na gagamitin sa manual elections sa Oktubre.
Dahil dito nakatipid ang pamahalaan ng 642 million pesos na pambili sana ng mahigit dalawang daang libong bagong ballot boxes.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, voters registration