Comelec, handa na sa overseas at local absentee voting ngayong buwan

by Radyo La Verdad | April 5, 2022 (Tuesday) | 8405

METRO MANILA – Simula na ng overseas absentee voting sa darating na linggo April 10.

Ito ay para sa mga Pilipinong rehistrado bilang botante na nagtatrabaho o nag-aaral sa ibang bansa.

Sa datos ng Comelec, tapos na ang pag-imprenta sa 1,697,090 office for overseas voting o (OFOV) ballots.

Ito ay gagamitin ng ating mga kababayan sa kanilang pagboto sa mga embahada at konsulada ng Pilipinas sa iba’t-ibang bansa.

Dalawa ang gagamiting paraan sa pagboto. May automated at manual tulad ng mail voting.

Ang mga Overseas Filipino na nasa isang permanenteng lugar ay maaring magtungo sa mga consolate or embassy upang bumoto sa pamamagitan ng vote counting machines.

Habang ang mga hindi naman makakapunta ng personal gaya ng nasa malalayong lugar tulad ng mga nagta trabaho sa barko ay maaari na lang sa pamamagitan ng mail voting.

Samantala sa April 27-29, 2022 naman isasagawa ang local absentee voting.

As of March 29, 2022, nasa 93,567 ang kabuoang bilang mga mga aplikante.

Pero, 84,221 lang dito ang naaprubahan na karamihan ay lalake.

Nasa mahigit siyam na libo naman ang hindi naaprubahan.

Pinakamarami sa mga nag-apply ay mga tauhan ng Philippine National Police na aabot sa 48,697 at Armed Forces of the Philippines na nasa 38,000. Mayroon ding mga kawani ng media na 953.

Samantala, isang task force kontra fake news naman ang planong buboin ng komisyon upang balaan ang mga maling impormasyon kaugnay sa buong proseso ng halalan.

Binigyang diin ni Commissioner George Erwin Garcia, hindi nila hahayaan na basta lang sisirain ng sinoman ang integridad ng eleksyon lalo na ang pagsisikap na kanilang ginagawa para maisagawa ito ng patas at maayos.

Tiniyak ng COMELEC na mananagot ang sinomang gagawa ng fake news sa pamamagitang ng pagsasampa ng kaso.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,