METRO MANILA – Sinisikap ng Commission on Elections (Comelec) na makapagdagdag pa ng satellite registration offices sa iba’t-ibang lugar sa buong bansa.
Sa ngayon, mayroon na silang mahigit 18,000 registration centers.
Mababa ito kaysa kabuuang 52,482 noong nakaraang 2019 elections dahil sa quarantine restrictions.
Kaugnay nito, ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, nakikipag usap na sila sa pamunuan ng ilang malalaking mall.
Gagamitin nila ang mga mall bilang satellite registration offices.
“Yung mga maliliit na mall sa mga probinsya nagaganap na yan d’yan. Ang sinasabi kong usapan natin ngayon is with the major mall developer para ‘yong mga chain malls ‘yong marami ‘yon ang gusto nating makuha.”ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez.
Inaasahang maisasapinal nila ang kasunduan nitong Linggo at maianunsyo kaagad sa publiko.
Naniniwala ang Comelec na ang pinakamabisang paraan para mabilis na makagpaparehistro ay sa pamamagitan ng satellite registration offices.
“Mahalaga kasi na nakikita natin na yung mga tao mas nagkakaroon ng convenience e ‘pag satellite registration lalo na kung nagaganap ito sa malls, katunayan isa sa mga hinahanda namin ay isang partnership with the major mall developer gusto natin kasi lahat ng malls niya all over the country ay magkaroon ng satellite registrations.” ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez.
Dagdag pa ni Jimenez, sa ngayon, maayos at tuloy-tuloy ang kanilang satellite registrations sa mga lugar na zero COVID-19 cases.
“Ang rule kasi natin kung magsa-satellite registration ka kailangan zero transmission zero cases doon sa area, so kung mayroon kang ganung problema e hindi ka makakapag-satellite so hahanap ng area na pwede mong gawing minimal to almost nothing yung COVID problem” ani Comelec Spokesperson Director James Jimenez.
Target ng comelec na magkakaroon ng 61 Million na mga botante sa darating na halalan sa 2022 at sa datos ng election registration board noong April 19, 2021, mayroon nang 60,117,780 ang kabuoang rehistradong botante sa bansa.
Ibig sabihin, kulang na lang ng mahigit 800,000 para maabot ang kanilang target
Sa pamamagitan ng satellite registrations, positibo ang komisyon na kaya nilang abutin ang target sa loob ng tatlong buwan bago matapos ang pagpaparehistro sa September 30, 2021.
Muling paalala ng Comelec, magparehistro na habang may panahon pa para iwas siksikan lalo na may pandemya.
Bumisita sa Comelec official social media pages para sa mga schedule at lugar na may satellite registrations.
(Dante Amento | UNTV News)
Tags: COMELEC