COMELEC Employees Union nanawagan sa en banc na magkaisa na

by Radyo La Verdad | July 1, 2016 (Friday) | 1013

COMELEC
Alas dose ng tanghali kahapon nang magtipon-tipon sa labas ng Palacio del Gobernador ang mga miyembro ng COMELEC Employees Union.

Bitbit ang mga puting lobo at kasabay ang pagsisindi ng mga kandila, nanawagan ang grupo sa mga miyembro ng COMELEC En Banc na magkaisa na.

Anila dapat nang tapusin ang gusot sa pagitan ni Chairman Andres Bautista at ng mga commissioners upang hindi maapektuhan ang trabaho ng komisyon lalo’t papalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Nanawagan din ang grupo sa en banc na aksyunan na ang mga isyung matagal na nilang ipinaglalaban gaya ng pagkakaroon ng health card at pagtaas sa kanilang mga sahod.

Isang signature campaign naman ang sinimulan ng mga empleyado ng COMELEC upang ipakita ang suporta kay Bautista sa gitna nang nangyayaring iringan sa en banc.

Hinarap ni Bautista ang mga empleyado ng COMELEC at nagpasalamat sa kanilang ipinakitang suporta sa kaniyang pamumuno sa poll body.

Subalit hindi na nagsalita ang Poll Chief kaugnay sa problemang kinakaharap ng en banc.

Matatandaang isang memorandum ang nilagdaan ng anim na commissioners na naglalaman ng mga puna sa pamamahala ni Bautista sa COMELEC.

Una nang hiniling ni Commissioner Rowena Guanzon kay Bautista na magtakda ng isang executive session upang mapag-usapan ang mga isyung ito.

Ayon kay Bautista handa siyang makipag-usap basta iwasan lang ang kawalan ng respeto sa mga kapwa katrabaho sa COMELEC.

Nagpadala na rin ang Poll Chief ng sulat sa ilang commissioners na naglalaman ng sagot sa mga isyung ipinupukol laban sa kaniya at hinihintay na lamang ni Bautista ang kanilang tugon hinggil dito.

(Victor Cosare/UNTV Radio)

Tags: