COMELEC Chairman Bautista, naninidigang hindi agad bababa sa pwesto

by Radyo La Verdad | October 13, 2017 (Friday) | 2529

Sa botong 137-75-2, pasado na sa Kamara noong Miyerkules ang impeachment complaint laban sa kay COMELEC Chairman Andres Bautista at nakatakda na itong iakyat sa Senado na siyang tatayong impeachment court, bagay na ikinagulat ng poll chief.

Nguni’t nanindigan ito na hindi niya babaguhin ang naunang pasya at mananatili pa rin siya sa pwesto hanggang sa Disyembre.

Matatandaang bago ang botohan sa impeachment complaint sa plenary, nauna nang inanunsyo ni Bautista ang pagresign sa pwesto na epektibo sa enero ng susunod na taon.

Aniya, hangga’t wala pang pasya ang Pangulo at wala pang pumapalit sa kaniyang pwesto, tuloy ang kaniyang serbisyo sa komisyon.

Sinabi rin ni Chairman Bautista na bago siya nagsumite ng resignation letter kay Pangulong Duterte, nakipagpulong muna ito kay Executive Secretary Salvador Medialdea noong Martes. Napagkasunduan umano nila na sa December 31 na siya aalis sa pwesto.

Ayon kay Bautista, sa ngayon ay pinaghahandaan na niya ang pagharap sa impeachment court maging ang mga panibagong kasong planong ihain ng kaniyang asawa.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,