Comelec at mga otoridad, handang-handa para sa 2023 BSKE – Garcia

by Radyo La Verdad | October 23, 2023 (Monday) | 817

METRO MANILA – Naihatid na lahat sa mga probinsya ang lahat ng election paraphernalia tulad ng mga balota na gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes, October 30.

Idineploy na rin ang mga otoridad at guro na magsisilbi sa halalan na nasa 830,000.

Mahigit 494,000 ang mga guro na magsisilbing Board of Election Inspectors (BEIs), 187,000 na mga pulis, 30,000 na Philippine Coast Guard (PCG) personnel at mahigit 117,00 na mga tauhan ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Nakakalat ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa araw ng halalan.

May dagdag na PNP at AFP personnel at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Negros Oriental at Libon sa Albay na kabilang sa mahigpit na binabantayan nitong halalan.

Ang probinsya ng Negros Oriental at Bayan ng Libon sa Albay ay idineklara nang Comelec control. Ito ay dahil sa mga nakaraang insidente ng karahasan sa lugar.

Batay sa rules ng Comelec, kabilang sa dahilan ng Comelec control at may istorya ng matinding labanan sa politika, karahasan na kagagawan ng Private Armed Groups (PAGS) at seryosong banta sa communist terrorist group tulad ng BIFF, Abu Sayyaf at iba pa.

Samantala, muli namang binigyang ng Comelec na dapat maproteksyunan ang mga guro na magsisilbi sa halalan. Kasama na rito ang mga iba pang tauhan ng Comelec at botante.

Sinabi naman ng Philippine National Police (PNP), sa ngayon wala pa namang naiulat na seryosong banta sa seguridad sa halalan.

Target ng Comelec na mamantene ang magandang nangyari noong 2022 national elections kung saan mababa ang naiulat na karahasan at mataas ang voter turnout na 83%. Nasa 23 lang din ang election-related violence na pinakamababa sa kasaysayan ng halalan sa bansa.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,