Hindi umubra sa Philippine Drug Enforcement Authority o PDEA at NAIA authorities ang modus ng isang 67-anyos na Colombian national na nilunok ang 79 rubber pellets na naglalaman ng cocaine.
Ayon kay PDEA NCR Regional Director Ismael Fajardo, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa U.S. homeland Security Investigation na may pasaherong magtatangkang magpasok sa bansa ng iligal na droga.
Aabot sa 1.185 kilograms na cocaine o nagkakahalaga ng P8.89 million ang nakuha sa kustodiya ng suspek na kinilalang si Alberto Pedraza Quijano.
Dumating sa NAIA si Quijano kahapon lulan ng Emirates airlines galing Dubai ng harangin ito ng mga otoridad nang inspeksyunin ng mga otoridad ang kaniyang bagahe ay walang droga ngunit nang mapansin nila na hindi ito mapakali ay dinala agad nila ito sa hospital upang isailalim sa x-ray procedure at natuklasan na may maliliit na lobo sa kaniyang tiyan.
Ayon kay PDEA Director III Ismael Fajardo, ilang beses ng nakabalik sa bansa ang suspek at hindi ito mahuli-huli dahil nagpapakilala itong miyembro ng isang foundation.
Ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso ay kasalukuyan nang nakadetine sa PDEA National Headquarters para sa malalimang imbestigasyon.
( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )
Tags: arestado, Colombian national, pdea