College degree, gagawing requirement sa mga mambabatas sa bagong konstitusyon – ConCom

by Radyo La Verdad | March 20, 2018 (Tuesday) | 2242

Napagkaisahan na sa consultative committee na magtakda ng educational requirement para sa mga mambabatas. Sa ilalim nito, kailangang nakapagtapos muna sa kolehiyo bago payagang makatakbo bilang senador o kongresista.

Tutol dito ang ibang miyembro ng komite dahil malilimitahan ang karapatan ng mga hindi nakapagtapos ng kolehiyo.

Pero nanaig ang mga nagsasabing dapat lagyan ng kwalipikasyon ang mga nagnanais tumakbo sa Kongreso.

Ayon sa chairman ng consultative committee na si dating Chief Justice Renato Puno, hindi ito sariling panukala lamang ng komite, kundi pagsang-ayon lamang sa pulso ng taong-bayan sa nakalipas na halalan. Sang-ayon naman sa panukala si House Speaker Pantaleon Alvarez.

Mahalaga aniya na may pinag-aralan ang isang senador o kongresista upang makapagsulat at maidepensa nang maayos ang kanilang panukalang batas.

Hindi pa pinal ang panukala na isasama bilang probisyon ng bagong Saligang Batas dahil pagbobotohan pa ito ng consultative committee sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa Abril.

Pero noong 2013, may panukala na si dating Senador Miriam Santiago na gawing kwalipikasyon ng mga tumatakbo sa mga posisyon sa gobyerno ang diploma sa kolehiyo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,