Coliform level sa tubig sa Boracay, mababa na – Sec. Cimatu

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 4255

Sinalubong ng hiyawan, tugtugan at sayawan ng mga Boracaynon ang mga turistang Aklanon sa isinagawang salubungan sa white beach ng Boracay Island.

Bahagi ito ng pagsisimula ng dry-run para sa reopening ng isla matapos ang anim na buwang rehabilitasyon dito.

Dinaluhan ito nina DENR Secretary Roy Cimatu, DILG Secretary Eduardo Año, DPWH Secretary Mark Villar, Aklan Governor Florencio Miraflores at Malay Mayor Ceciron Cawaling. Humabol din sa unang araw ng dry run si Tourism Secretary Bernadette Puyat.

Nagkaroon ng memorandum of agreement signing sa pagitan ng Department of Energy (DOE), Department of Transportation (DOTr) at ng DILG para sa pagbibigay ng 200 E-trikes na ipamimigay sa mga tricycle drivers sa Boracay Island.

Nagkaroon din ng contract signing sa pagitan ng DENR at ng Boracay Business Association of scuba shops para sa water sports sa Boracay.

Ipinagmalaki ni Environment Secretary Cimatu na hindi na cesspool ang Boracay at pormal nang prinoklamang safe to swim ang white beach.

Aniya, batay sa pinaka huling ulat ng kanilang ahensya, bumaba na sa 18.1 mpn/100ml ang coliform level sa tubig sa white beach kung kaya’t safe to swim na ito.

Magtatalaga din ng swimming area sa white beach ang DENR kung saan pagbabawalang maka lapit dito ang mga bangka.

Nagpasalamat si Cimatu sa naging kooperasyon ng mga establishments owners, workers at mga residente ng Boracay sa isinagawang rehabilitasyon.

Nagsagawa rin ng unveiling of development design para sa wetland number four at ribbon cutting ng katatapos lang na Bulabog Road.

Naging mahirap man sa mga taga-Boracay at maging mga Aklanon ang nangyaring Boracay closure, ikinatuwa naman ng mga ito ang magandang resulta ng rehabilitasyon sa isla.

Naniniwala rin ang mga Boracaynon at mga Aklanon na lalo pang mapapabuti at mapapaunlad ang turismo sa Boracay Island sa patuloy na rehabilitation efforts ng pamahalaan.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,