Coinless transactions, target ipatutupad sa bansa sa 2025 ; maliliit na transaksyon gagamitan ng QR code – BSP

by Erika Endraca | January 18, 2021 (Monday) | 7477

METRO MANILA – Maoobliga na ang mga Pilipino na lumipat sa digital transactions dahil sa Covid-19 pandemic.

Kaya naman target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pagdating ng 2025 ay tutuluyan nang tanggalin ang paggamit ng barya sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na papalitan na ang barya ng Quick Response o QR code sa pamamagitan ng National Identification System.

Ang QR code sa likod ng national ID ay unique o walang katulad ayon sa BSP at maaaring magamit sa mga maliliit na transaksyon na karaniwang gumagamit ng barya tulad ng pagbili sa mga tindahan o pamasahe sa jeep at tricycle.

Sa mga susunod na taon ay inaasahang QR code na lang ang gagamitin bilang alternatibong paraan ng pagbabayad o pagsusukli.

Bagaman mapapadali at magiging mas ligtas ang mga transaksyon sa gamit ang makabagong teknolohiya, duda naman ang ilan sa pagpapatupad nito.

Patuloy naman ang isinasagawang pagrerehistro at pag-i-isyu ng national ID sa lahat ng Pilipino sa bansa kung saan 154,000 na ID card kada araw ang naipi-print sa ilalim ng pangangasiwa ng bsp.

Layon nito na magkaroon ng isa na lamang na identification ang mga pilipino bilang katunayan sa lahat ng transaksyon bansa.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,