Cloverleaf market sa Balintawak, ininspeksyon ng QC RTC kaugnay ng pagdinig sa petition laban sa closure order dito

by Radyo La Verdad | February 5, 2016 (Friday) | 1957

BALINTAWAK
Personal na nagtungo ngayon huwebes sa Cloverleaf market sa Balintawak si QC RTC Branch 98 Presiding Judge Marilou Runes-Tamang kasama ang ilang kawani ng Quezon City Hall, upang inspeksiyunin ang pasilidad ng palengke.

Ito ay bahagi ng isinasagawang pagdinig sa petition for injuction ng mayari ng Cloverleaf sa nakatakdang pagpapasara dito.

Ininspeksyon at sinuri ni Judge Tamang ang pundasyon at linya ng mga kuryente sa buong pasilidad ng Cloverleaf market.

Kasama rin sa inispeksyon ang cr ng palengke at maging ang lugar kung saan kinakatay ang mga manok at baboy.

Natuklasan rin na sementado na pala ang creek sa loob ng palengke at nilagyan na lamang ng mga butas kung saan dito itinatapon ang maruruming tubig na ginagamit sa palengke.

Ayon sa pamunuan ng QC Market Administration, isa itong malinaw na paglabag sa sanitation protocol sa market operation.

Natuklasan rin na sa loob na mismo ng palengke naninirahan ang ilang mga kargador, na ayon kay Judge Tamang ay ipinagbabawal, dahil hindi naman ito residential area.

Sa susunod na linggo, inaasahang submitted for resolution na ang petisyon.

Dito malalaman kung papaboran ng korte ang petition for injuction at bibigyan ng temporary restraining order ang nasabing pamilihan.

Sakaling magisyu ang korte ng TRO sa Cloverleaf, pansamantalang ipatitigil ng korte ang closure order sa naturang palengke sa loob ng dalawampung araw.

Sa panahong ito maaari pang ayusin ng owner ang mga hinihinging requirement ng QC Market Administration upang mapigilan pa ang pagpapasara dito.

Ngunit kung hindi mapagbibigyan, ay tuluyan ng isasara ang palengke at mapipilitan na ang mga vendor na iwan ang kanilang mga pwesto.

Matapos ang inspeksyon, kumpiyansa ang mga petitioner na papaboran sila ng korte at magpapatuloy ang operasyon ng palengke.

Muli namang iginiit ng mayari ng cloverleaf na sana ay mabigyan sila ng pagkakataong makipagdayalogo sa mga opsiyal ng munisipyo upang maging malinaw ang mga hinihinging requirement ng mga ito.

Una ng inihayag ni QC Mayor Herbert Bautista na bukas sila sa naging desisyon ng korte na bigyan ng status quo ante order ang palengke, at iginiit na ang kanilang paghihigpit ay para sa kapakanan at kaligtasan ng mga namimili at nagtitinda dito.

(Joan Nano/UNTV News)

Tags: ,