Close contacts ng BA.2.12 case, 44 na – Sec. Duque                                                      

by Radyo La Verdad | April 29, 2022 (Friday) | 4615

Natukoy na lahat ang close contacts ng unang kaso ng BA.2.12 Omicron subvariant sa Pilipinas. 9 sa Quezon City, 5 sa Benguet at 30 ang nakasabay niya sa eroplano nang bumiyahe papuntang Manila.  

“Meron na tayo sa ngayon na 44 na kino-contact tracing, meron na nga iyong unang siyam, may dalawa doon na symptotmatic kaya isinailalim sa RT-PCR testing so negative naman.  Hindi natin isnasailalim sa testing lahat ng mga na- expose so iyon lang pong nagpakita ng symptoms, karamihan naman walang symptoms,” pahayag ni DOH Sec. Francisco Duque III.

Sinabi pa ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi dapat ikabahala ng publiko ang Omicron subvariant BA.2.12, ito ay dahil wala pang ebidensyang nagpapakita na mas mabagsik ito at mas nakahahawa kumpara sa Delta at Omicron variant of concern. Hindi pa rin ito idinideklarang variant of concern o interest ng World Health Organization.

“Kampante ako na ito ay hindi naman magdudulot ng peligro o malubhang karamdaman so, kung may symptoms isolate iyon pa rin ang ating mensahe, wear the best fitted mask,” ani Sec. Duque.

Ayon pa sa kalihim, may lumitaw man na mga bagong variant, mas maraming mga Pilipino na ang bakunado kontra Covid-19. Kailangan lang ding mahikayat pa ang lahat ng magpa- booster shot.

Binigyang diin ni Sec. Duque na ang pinakaepektibong paraan pa rin  upang maiwasan ang hawaan ng Covid-19 ay ang pagsunod sa health at safety protocols kontra Covid-19.

Batay sa ulat ng Johns Hopkins University, maituturing na pinakamasunurin sa pagsusuot ng face mask, ang mga Pilipino. Ayon kay Sec. Duque, dapat itong mapanatili hangga’t umiiral ang pandemya.

Kumpiyansa naman ang kalihim na kaya na ng bansa sakaling may panibagong surge na mangyari.

Nahasa at naging alerto aniya ang pamahalaan at mga frontliners sa dapat gawing Covid-19 response. Ito’y dahil na rin sa karanasan sa nagdaang mga surge dulot ng Covid-19 variants na delta at omicron.

Ayon pa kay Sec. Duque,  wala sa plano ng pamahalaan na magpatupad muli ng panibagong lockdown.

Kailangan lang din aniyang maging responsable ang publiko at patuloy na tumalima sa mga umiiral na health at safety prorocols sa Pilipinas.

“Nasa tao na iyan at the end kapag tayo nagluwag sino sisihin natin? Hindi naman pwede gobyerno. Tayo na iyan, tayo na dapat sumunod tumalima malinaw na malinaw. Simple lang sundin lang at dalhin ang sarili sa bakunahan para sa magpa- booster,” dagdag ni Sec. Francisco Duque III, DOH.

Aiko Miguel | UNTV News

Tags: , ,