Climate experts, tetestigo sa imbestigasyon ng 47 multinational fossil fuel companies

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 23926

Itutuloy ngayong araw ng Commission on Human Rights (CHR) ang imbestigasyon nito kaugnay sa hiling ng ilang environmental group na papanagutin ang apatnapu’t pitong multinational fossil fuel companies na umano’y biggest polluters sa mundo; kabilang dito ang Chevron, ExxonMobil at Shell.

Tetestigo sa pagdinig ngayong araw ang ilang international climate experts.

Ayon kay Richard Heede, ang co-founder at director ng Climate Accountability Institute sa United States at pangunahing imbestigador ng carbon majors projects, halos two-thirds ng carbon dioxide emission mula noong 1750’s ay galing sa 90 kumpanya.

Aniya, sa labas man ng Pilipinas nag-ooperate ang mga ito ay hindi nangangahulugan na hindi nakakarating sa bansa ang epekto ng kanilang operasyon.

Wala anilang ginagawa ang mga kumpanya para mas mabawasan ang panganib na bunga ng kanilang operasyon at mas pinahahalagahan ng mga ito ang perang kikitain kaysa sa kapakanan ng mga tao sa mundo.

Ayon sa mga eksperto, dapat magsilbing paalala sa iba pang fossil fuel producers ang hakbang na ito ng CHR para ayusin ng mga ito ang kanilang operasyon.

Nakatakda ring humarap sa pagdinig ang ilang community witnesses at petitioners.

Ihahain ng mga eksperto ang resulta ng kani-kanilang pananaliksik kung paano nakaambag ang mga industriya sa paglubha ng climate change.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,