METRO MANILA – Umabot na sa 15.2 million ang bilang ng mga estudyanteng nag-enroll para sa school year 2022 to 2023 as of August 4.
Ayon sa Department of Education (DepEd), lagpas na ito sa kalahati ng 28 million target enrollees ngayong darating na pasukan.
At dahil halos 2 linggo na lamang ang nalalabi bago ang muling pagbubukas ng klase, puspusan na ang paghahandang ginagawa ng mga paaralan.
Ilan sa tinitignan ngayon ng mga eskwelahan at lokal na pamahalaan ay kung paano pagkakasyahin ang bilang ng mga estudyante sa loob ng isang classroom kasabay ng pagpapanatili ng social distancing lalo pa ngayon na muli na namang tumataas ang mga kaso ng COVID-19.
Ayon sa Department of Education (DepEd) may mga paaralan pa rin na umaabot ng 60-80 ang bilang ng mga estudyante sa kada classroom.
Kaya’t ikinukonsidera ngayon ng DepEd ang pagpapatupad ng shifting schedule sa klase lalo na sa mga paaralan na may mataas na populasyon ng mga estudyante.
Ayon kay DepEd Spokesperson Micheal Poa, naka-line up na sa proyekto ng DepEd ang pagtatayo ng karagdagang mga classroom upang matugunan ang dami ng mga mag-aaral. Pero sa ngayon ay naghahanap pa ang DepEd ng mga lokasyon.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papayagan pa rin ang mga piling paaralan na magpatupad ng blended learning sakaling kulang sa mga pasilidad ang isang paaralan.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: DepEd, face-to-face classes