Isang sulat mula sa suspendidong abogado na si Atty. Eligio Mallari ang pinag-ugatan ng quo warranto petition ng solicitor general, kung saan pinatatanggal sa pwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Isa sa kinukwestyon ang integridad ni Sereno dahil sa hindi nito pagsusumite ng SALN noong aplikante pa lamang siya sa posisyon.
Pero may bagong teorya ngayon ang grupo ni Mallari.
Ayon sa kanyang abogado, nakasaad sa konstitusyon na requirement sa mga mahistrado at huwes ang mabuting asal. Kayat pwede aniyang matanggal si Sereno dahil sa hindi mabuting pag-uugali nito.
Katwiran pa nito, nakasisira na si Sereno sa integridad ng Korte Suprema kayat marapat lamang na alisin na ito.
May dating kaso na rin aniya kung saan tinanggal ng Korte Suprema ang isang impeachable official. Nangyari ito nang tanggalin si dating COA Chairman Reynaldo Villar. Patunay na pwedeng tanggalin sa ibang pamamaraan si Sereno at hindi sa pamamagitan ng impeachment lamang.
Samantala, hindi naman matiyak ni House Speaker Pantaleon Alvarez kung kailan maiaakyat sa plenaryo sa Kamara ang pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Sereno.
Mahihirapan din aniya na maihabol ang articles of impeachment sa senado bago ang session break sa ika-24 ng Marso.
Sa kabila nito, maaaring hintayin na lang muna nila ang resulta ng quo warranto petition na isinampa sa Korte Suprema ng solicitor general.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Atty. Luna, CJ Sereno, masamang ugali